1 entry
100 sulat para sa minamahal ko. noon, habang kinikilala kita, ang sabi mo— paborito mo ang matcha, paborito mo ang berde, paborito mo ang mga pusa. at hindi na ako nagtaka nang sabihin mong softhearted ka. dahil bago mo pa man aminin, nakikita ko na. nakikita ko sa paraan ng paghawak mo sa mga bagay na mahalaga sa’yo— marahan, maingat, parang lahat ng bagay sa mundo ay may pusong puwedeng masaktan. malinis. matiyaga. maalaga. mapagmahal. apat na salitang simple pakinggan, pero kapag inilagay ko sa pangalan mo, parang hindi na sila mga salita. parang panata. at siguro, kaya berde ang paborito mong kulay dahil may kakaiba kang relasyon sa mga bagay na buhay. ang berde ay kulay ng mga dahong patuloy na sumusubok mabuhay kahit ilang beses silang tamaan ng araw. kulay ng mga halamang hindi humihingi ng palakpak para lamang lumago. at ikaw— ikaw rin. marunong kang mamuhay nang tahimik, magbigay nang hindi ipinagmamalaki, magmahal nang hindi kailangang ipaalam sa buong mundo. at kung bakit matcha? siguro dahil may pait itong hindi kailangang itago. may pait na natututuhan mong mahalin kapag matagal mo nang kilala ang tamis. at baka gano’n din ang puso mo. may mga pait kang hindi mo sinasabi. may mga pagod kang tinatawanan. may mga sugat kang tinatakpan ng “okay lang ako.” pero alam mo ba? hindi mo kailangang maging okay para mahalin. hindi mo kailangang maging matatag sa bawat araw. hindi mo kailangang maging mabuti sa lahat ng pagkakataon para masabing karapat-dapat kang mahalin. dahil kung may isang bagay akong natutunan habang unti-unti kitang kinikilala, ito iyon: ang pagmamahal ay hindi lamang pagmamahal sa pinakamaganda mong bersyon. minsan, ang pagmamahal ay ang pananatili kapag hindi mo na kayang maging maganda. kapag tahimik ka. kapag pagod ka. kapag hindi mo alam kung saan ka pupunta. kapag pati sarili mo hindi mo na alam kung paano mamahalin. at kung dumating man ang araw na iyon sa’yo, sana maalala mong may isang taong hindi ka minahal dahil madali kang mahalin. minahal ka niya dahil ikaw ka. ikaw— na mahilig sa berde. ikaw— na kayang umibig sa isang baso ng matcha. ikaw— na natutunaw sa harap ng mga pusang hindi naman marunong magsalita. at ang ironic lang— sa dami ng bagay na hindi marunong magsalita, ikaw ang taong pinakamaraming sinabi kahit wala kang sinasabi. sa mga mata mo. sa mga kilos mo. sa paraan mong mag-alaga. sa paraan mong magmahal. at siguro, ito ang dahilan kung bakit sinusulat kita. dahil may mga taong sapat nang makilala. pero ikaw— ikaw ang uri ng taong kapag nakilala ko na, gusto kong isulat. hindi dahil kailangan kitang gawing tula. kundi dahil may mga taong nagiging tula bago pa man sila maisulat. at ikaw iyon. ikaw ang pahinang hindi ko gustong tapusin. ikaw ang taludtod na paulit-ulit kong binabalikan. ikaw ang salitang kahit ilang beses kong bigkasin, parang laging may bagong kahulugan. kaya ito ang una sa sandaang sulat ko para sa’yo. at kung sakaling itanong mo kung bakit kailangang umabot sa isang daan— dahil hindi ko kayang ipagsiksikan sa isang sulat lamang ang lahat ng dahilan kung bakit kita minamahal. isang daan, dahil gusto kong bigyan ng pangalan ang bawat maliit na bagay tungkol sa’yo. isang daan, dahil gusto kong patunayan na may mga pagmamahal na hindi minamadali. at isang daan— dahil kung ang puso ko ay isang libro, ikaw ang pahinang kahit ilang beses kong tapusin, pipiliin ko pa ring basahin mula sa simula.